Sunday, September 12, 2010

Chapter 3: Fine Tuning Vocalization….. Continuation

Mataas na ang sikat ng araw nang naimulat ko ang aking mga mata, dala na marahil sa puyat sa pagaantay ko sa text ni Yumi pero mas una kong hinanap ang cellphone ko kaysa sa tumingin sa relo para malaman ang oras.

Sabik sa pagbukas ng cellphone para mabasa ang mensahe mula sa kanya, ngunit ang isang mensaheng pinakaaabangan ko ay isang panaginip lang, agad kong binalik ang ulo ko sa unan at napabuntong hininga lang. Parang wala ako sa kondisyon para pumasok ngayon di dahil masama ang pakiramdam ko ngunit dahil pakiwari ko di magiging maganda ang araw ko dahil late din ako sa klase ni Ms. Dulce tiyak akong paglilinisin niya lang ako ng covered court.


“Tofie!!! Late ka na sa klase mo!”


Eto na start na naman ng pilitan at litanya ni Nanay dahil alam niya ang schedule ng klase ko...


“Opo nandyan na po” inilapag ko ang cellphone ko sa estante malapit sa higaan nag-unat unat ng mga braso pagkatapos nagpush-up 1.2.3.4.5.6.7.8


Kinuha ko na lang ang twalya na nakahanger sa knob ng cabinet at tuluyang lumabas ng kwarto.


“Aba, Christopher ano ang nangyayari sayo late ka na mapapagalitan ka nyan ng professor mo, hindi tama ang nahuhuli sa klase”


“Opo nanay don’t worry I can handle myself”


“Ha? Kailan ka pa natutulong sumagot ng english”


“Nanay naman ikaw talaga yan ang patunay na nagaaral ako kasi nakakapagsalita ako ng English ng tuwid” ayan may rason na ako para maibaling ko sa iba ang topic ng usapan.


“Naku ikaw talaga Tofie ayaw kong mababalitaan na nagloloko ka sa klase ha, hala maligo ka na at talagang mahuhuli ka na sa klase”


Isang hikab na lang ang naisagot ko pagkatapos pumasok na ako ng banyo para maligo.

Nang makapaghanda ako para pumasok pinipilit ako ni nanay kumain ng almusal pero wala talaga sa kondisyon ang katawan ko pati ang pagkain. Pero habang kinakain ko ang isang pandesal nagawa kong magsalita ng wala sa lugar.

“Baka nagalit sakin siya”


“Sino magagalit sayo Tofie?”


“Po wala po yun nanay, ano kasi yung kaklase ko nanghiram ako ng libro di ko agad naibalik kaya nagalit ganun po”


“Hmmm Tofie tandaan mo lagi ang dapat mong gawin bilang isang estudyante”


“Opo nanay di ko nakakalimutan, alis na po ako tiyak mapapagalitan na naman ako”


“Mabuti pa nga lakad na magiingat ka”


“Love you Nanay”


“Love you anak”


Naglakad papunta sa terminal ng tricycle mga ilang minuto pa nang paghihitay para may kasabay akong kapwa pasahero pati yata mga kasabay kong pasahero nakikisabay sa pagiging late ko. Nakakainip din maghantay di mo alam kung may darating o wala para tumakbo ang tricycle.


At nang mapuno agad namang pinatakbo ng driver ang tricycle pagbaba sa terminal ng jeep nakipagsiksikan na lang ako sa paalis na jeep makaabot lang ng maaga-aga sa klase ang hirap din pala sumiksik sa kakaunting espasyo ng jeep lalo na kung ang mga kasabay mo ay mga dambuhala sa laki may iba naman kung makabuka ng hita akala mo binayaran ang upuan ng dalawang tao.


Mga ilang hakbang pa papunta sa terminal ng bus bumaba na ako dahil masakit na ang hita ko at puwet ko sa pagsusumiksik sa jeep. Inayos ko ang polo ko tinignan ko kung may mantsa o kaya dumi muli kong hinila ang bag ko para maiayos pero kamalas-malasan wala pang bus.


Ang tagal kong naghantay sa terminal ng bus nakailang ikot na rin ako nagbabakasakali na may dumaang bus at magkabit ng sign board para agad akong makasakay pero sa kasamaang paalad wala pa rin. Nanlalambot na ako bukod sa antok na antok pa ako iniisip ko pa rin ang sasabihin sakin ni Yumi tila wala akong maihaharap na mukha sa kanya.


“Baka mamaya may bf na siya makikigulo pa ako sa relasyon nila” bahala na kung anong kalalabasan kung magalit sya okay lang kung magtampo man siya darating din ang panahon na magkakaayos din kami.


Dumating ang isang bus may iilang sakay kaya agad na rin akong sumampa para makaupo ng maayos sa isa sa mga upuan niya. Nakatungo pa rin ako habang naghahanap ng mauupuan para akong multo lumulutang sa hangin pero gumagalaw ang katawan, dahil kailangan pumasok at gawin ang dapat gawin ng isang estudyante gaya ng bilin ni nanay.


Agad namang nag-abot ng ticket ang kundoktor ng bus kaya may pagkakataon pa akong maidlip dahil medyo malayo-layo pa ang biyahe ko hanggang sa makababa ako ng unibersidad. Napapikit na lang ako ng di namamalayan di ko na rin alintala kung sino ang katabi ko upuan. Miyembro talaga ako ng MASA isang samahan na masandal tulog kahit saang lugar basta masandal lang.

Kahit nakapikit ako gising ang diwa ko sa sinasabi ng kundoktor kung saang parte ng biyahe ang inabot ng bus dahil sinisigaw niya ang pangalan ng lugar. Hanggang sa naramdaman kong bumigat ang aking balikat kaya dahan dahan kong iminulat ang aking mga mata para malaman ko kung sino ang nakasandal sa aking balikat.

Nang akmang iiayos ko ang balikat ko para maalimpungatan ang nakasandal sa akin naging pamilyar sakin ang isang ngiti at agad naman akong nagandahan sa kanya. Si Yumi pala ang katabi ko at mukhang tulog na tulog buhat ng sumakay ako, umagos paakyat ang dugo ko sa buong mukha ko naramdaman ko ang pamumula ng aking pisngi na tila nahihiya ako sa nakita ko. Di ko alam kung ano ang gagawin ko, kung gigisingin ko ba siya o hahayaan ko siyang matulog ng ganun sa balikat ko.


Pero sa pagkakataong ito mas nakita ko ng malapitan ang mukha niya. Ang ganda ng kanyang mga labi, matangos na ilong at mahahabang pilik mata. Gusto ko na itigil ang oras kung pwede lang kung maari lang.


“Di pala malas sakin ang araw na ito at kahit late tila pinag-aadya na magkasama kami sa iisang sasakyan” kaya pinabayaan ko na lang syang matulog sa aking balikat pero sabay ng pagharurot ng bus ang malakas na lagabog sa isang butas sa kalye dahilan para magising sa pagkakaidlip si Yumi.


Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko di ko alam kung titingin ako sa kanya, magtutulog-tulugan ako o ipapaling ko ang mukha ko sa ibang direksyon baka kasi kung ano pa ang isipin niya. Dahan dahan sa pagmulat ang mata ni Yumi ngunit ni isa sa naisip ko wala akong nagawa napatingin na lang ako sa kanya habang bumubukas ang kanyang mga mata. Pero imbis na makagising sa kanyang nakitang katabi.


“Tofie…” at muli na naman pumikit ang kanyang mga mata at bumalik sa pagkakaidlip.


Pakiramdam ko may sasabog na bomba sa katawan ko nang magising siya, akala ko sasampalin ako o kaya itutulak ako. Kaya hinayaan ko na lang muli sya sa kanyang pagkakaidlip sa aking balikat. Pero gumuhit ang ngiti sa aking mukha at ang kaninang katamaran napalitan ng kilig sa bawat buto.

No comments:

Post a Comment